top of page

[PROJECT] Pagkilos sa Pagbuo ng Nasyonal na Identidad


Sa Panulat ni: Hazel Grace C. Guan - Bukluran ng Sikolohiyang Pilipino



Sa pagtanaw ng ating simulain na buoin ang nasyonal na identidad ng mga Pilipino, isang pagkakamali kung ilalayo ito sa ilang mga kaganapan noong panahon ng pananakop. Ang pagtatanim ni Rizal, Bonifacio, at ilan pang mga kritiko ng buto upang usisain ang mga haka at pananaw ng dayuhan ay isa sa mga naging daan upang umusbong noong dekada ’70 ang pagsupil ng ating kaisipang kolonyal.


Kung matatandaan, maliban sa kagustuhan ng mga banyaga na yakapin ng Pilipinas ang kanilang mga kultura at paniniwala, binigyan din nila ng madungis na interpretasyon ang gawi ng ating mga katutubo. Taong 1890, isa ang sanaysay ni Rizal na “Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino” (La Indolencia de los Filipinos) sa mga nagpamalas ng isang suring nakaangkla sa lente mismo ng isang Pilipino. Naging halimbawa ito ng pagpapalalim at pagtutol sa mga likong argumento ukol sa katamaran ng ating lahi. Kung tutuusin din, naging simula pa lamang ito ng panghahamak sa ating pagkakakilanlan; sapagkat, ilang mga banyaga pa ang nagpahayag ng kanilang pagkadisgusto sa mga maka-Pilipinong konsepto tulad ng bahala na, hiya, at utang na loob.


Nang sumapit ang dekada ’70, bukod sa makasaysayang pagpapatalsik sa isang rehimeng matagal nang naghari-harian, pinagsumikapan din ng iba’t ibang mga displina sa larangan ng Antropolohiya, Sikolohiya, at Kasaysayan na ihiwalay ang nakahulagpos na diskursong maka-europeo at kanluranin sa sariling atin. Layon ng Sikolohiyang Pilipino ni V. Enriquez, Filipinolohiya ni P. Covar, at Pantayong Pananaw ni Z.A. Salazar na kilalanin ang ating lahi sa isang lenteng sumusuri ng ating oryentasyon, pananaw, at kultura bilang mga Pilipino. Ang pagkilos sa pagbuo ng nasyonal na identidad ay hindi upang burahin ang kwenta at ambag ng mga banyagang katuruan, subalit upang mapagtibay ang ating pagkakakilanlan bilang lahi na may kakayahan, kalayaan, at mas malalim na pagkaunawa sa ating mga sarili.


Sa kasalukuyan, baon ang sigasig ng mga noo’y tagapanguna, patuloy ang pagkilos natin sa pagbuo ng isang NASYONAL NA IDENTIDAD. Ang mga puwang ay pilit nating pinaliliit gamit ang mga Pilipinong pananaliksik , metodong angkop sa mga Pilipino, diskursong maka-Pilipino, at higit sa lahat, nakatuon sa ating lahi na para sa mga Pilipino.


MGA SANGGUNIAN


Covar, P. (n.d.). PILIPINOLOHIYA. In R. Pe-Pua (Eds.), Hanbuk sa Sikolohiyang Pilipino Bolyum 1: Perspektibo at Metoholohiya. Quezon City: Limbagan ng Unibersidad ng Pilipinas


Pe-Pua, R. & Protacio-Marcelino, E. (n.d.). Sikolohiyang Pilipino (Filipino Psychology): A legacy of Virgilio G. Enriquez. In Asian Journal of Social Psychology. Blackwell Publishers Ltd with the Asian Association of Social Psychology and the Japanese Group Dynamics Association 2000


Salazar, Z. (1991). Ang pantayong pananaw bilang diskursong kabihasnan. In V. Bautista and R. Pe-Pua (Eds.), Pilipinolohiya: Kasaysayan, Pilosopiya at Pananaliksik. Manila: Kalikasan Press


Villafuerte, P. V. & Bernales, R. A. (2019). Panahon ng Pagbabagong Diwa. Perspektibong Historikal ng Panitikan ng Pilipinas. Malabon City: Mutya Publishing House. Inc.

Comments


Trident Chronicles

PUP Psychology Students Association Office | PSYCREA, Room 614, South Wing, Main Building, PUP Mabini Campus, Sta. Mesa, Manila 1117

 

Email
tridentchronicles@gmail.com

 

+(63) 995 232 2815

Follow Us

Keep yourself posted with the Trident's social media accounts.

  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

Get in Touch

Thanks for submitting!

Thanks for submitting!

Submit your literary piece!

© 2020 by Trident. Courtesy of AMA Bautista & KAR Mier. Proudly created with Wix.com

bottom of page